Ang Pagdisiplina sa Kapatiran
Isang Matibay na Paninindigan ng Disciples of Christ Community Church
[Translation in English]
May mga pagkakataon na ang Cristiano ay lilihis palayo sa ugnayan ng ibang mananampalataya at siya'y mahulog sa kasalanan o sadyang di pagsunod. Kailangan ngayon na ang iglesya, at lalo na ang mga namamastol, na sikaping makamit ang pagsisisi at panunumbalik ng Cristianong yaon. Bilang mga pastol ng kawan, mahal ng mga matatandang lalaki the elders ang mga tupa at pinapanagot ng Diyos sa kanilang espirituwal na kalagayan, kasama na diyan ang naliligaw na tupa. Tulad ng talingahaga (parabula) ni Jesus sa Lukas 15:3-8, ito'y panahon ng kagalakan, sa langit at sa loob ng iglesya, kapag ang naliligaw na Cristiano ay tunay ngang nagsisi.
Isang paraan ang nagagamit ng iglesya ng may pagmamahal na mapanumbalik ang naliligaw na mananampalataya ay ang proseso ng pagdidisiplina sa kapatiran. Sa Mateo 18, ipinaliwanag ng Panginoon sa Kanyang mga alagad kung paano tumugon sa isang kapatid sa pananampalataya na nagkakasala. Ang mga panuntunang Kanyang itinatag ang dapat maging gabay sa katawan ni Cristo sa kanyang hangarin na maisakatuparan ang pagdidisiplina sa iglesya ngayon.
Ang Layunin ng Pagdisiplina
Ang layunin ng pagdisiplina sa iglesya ay espiritual na panunumbalik ng mga nagkasalang kapatid at ang ibubungang pagpapatibay ng iglesya at pagluluwalhati sa Panginoon. Kapag may isang nagkakasalang mananampalataya na nasaway at siya’y tumalikod sa kanyang kasalanan at napatawad, siya ay napanumbalik sa pakikipag-ugnayan ng katawan at sa ulo nito, si Jesu-Cristo.
Ang pakay ng pagdisiplina sa iglesya, kung gayon, ay hindi upang palayasin ang mga tao sa iglesya o kaya’y gatungan ang mapagmatuwid na kayabangan ng mga nagsisigawa ng pagdisiplina. Hindi ito ginagawa upang manghiya ng tao o magpatupad ng otoridad at kapangyarihan sa isang hindi makabibliyang paraan. Ang layunin ay mapanumbalik ang isang nagkakasalang mananampalataya sa kabanalan at maibalik siya sa isang dalisay na relasyon sa loob ng kalipunan.
Sa Mateo 18:15, sinabi ni Jesus, “Kung magkasala laban sa iyo ang iyong kapatid, pumaroon ka at sabihin mo sa kanya ang kanyang pagkakamali kapag kayong dalawa lamang. Kung pakinggan ka niya, ay napanumbalik mo ang iyong kapatid.” Ang Griyegong salita na isinalin na “napanumbalik” ay unang ginamit sa pag-iipon ng kayamanan lalo na sa salapi. Dito, ito’y tumutukoy sa pagbawi ng isang may halagang bagay na nawala, tulad ng, isang nagkakasalang kapatid. Kapag ang isang kapatid na lalaki o babae ay nalilgaw, isang mamahaling yaman ang nawala, at ang iglesya ay di dapat makuntento hanggang sa siya ay mapanumbalik. Ang katawan ni Cristo ay nasa Gawain ng pagpapanumbalik (Gal. 6:1), at iyan nga ang layunin ng pagdidisiplina sa iglesya.
Ang Paraan ng Pagdisiplina
Sa Mateo 18:15-17, inilatag ni Jesus ang apat na hakbang sa pagdisiplina sa iglesya: (1) sabihin mo siya ng sarilinan; (2) magsama ng mga saksi; (3) sabihin ito sa iglesya; at (4) ituring siyang isang tagalabas.
Unang Hakbang (Mateo 18:15). Nagsisimula ang paraan ng pagdisiplina sa iglesya sa indibiduwal na baitang. Sinabi ni Jesus, “Kung magkasala laban sa iyo ang iyong kapatid, pumaroon ka at sabihin mo sa kanya ang kanyang pagkakamali kapag kayong dalawa lamang” (t. 15a). Dito, ang isang mananampalataya ay paroroon sa isang kapatid na nagkakasala upang magkasarilinan at siya’y sasawayin sa espiritu ng kababaang-loob at kaamuan. Ang pagsaway na ito ay kailangang mailantad ang kanyang kasalanan upang malaman niya ito at tawagin siya sa pagsisisi. Kung ang nagkakasalang kapatid ay nagsisi dahil sa saway na sarilinan, ang kapatid na ito ay napatawad at napanumbalik (t. 15b).
Ikalawang Hakbang (Mateo 18:16). Kung ang nagkakasalang kapatid at tumangging makinig doon sa sumaway sa kanya ng sarilinan, ang susunod na hakbang sa paraan ng disiplina ya magsama ng isa o dalawa pang mananampalataya upang sawayin siyang muli (t. 16a). Ang layunin ng pagsama ng iba pang mga mananampalataya ay upang “sa bibig ng dalawa o tatlong saksi ay mapagtibay ang bawat salita” (t. 16b). Sa madaling salita, ang mga saksi ay naroroon hindi lamang upang pagtibayin na may kasalanang ginawa kundi, dadgdag pa rito, upang pagtibayin na ang nagkakasalang kapatid ay nasaway ng nararapat at siya ay nagsisi o hindi.
Ang pananatili ng mga dagdag na saksi ay isang pag-iingat para sa sinasaway at doon sa mananaway. Madali kasing sabihin ng isang taong may kinikilingan, “Sinubukan ko na siyang sawayin, saublit ayaw niyang magsisi.” Hindi tamang akalain na kayang pagpasiyahan ito ng isang tao lamang, lalo na kung siya mimo ang nagawan ng kasalanan. Ang mga saksi ay kailangang pagtibayin kung may isang puso ng pagsisisi o kawalang pakialam o pagtanggi. Ang ganitong ulat ay magagamit upang maging batayan sa susunod na gagawin dahil sa ang pangyayari ay napatunayan higit pa sa ulat ng isang tao.
Sa ganitong pagkakataon, inaasahan na ang isa o dalawang tao na naisama upang sawayin ang nagsala ay di kinakailangang maging saksi sa publiko laban sa kanya sa harap ng buong iglesya. Sana nga, ang kanilang dagdag na saway ay maging sapat upang mahamon ang pagbabago ng puso ng nagkasalang kapatid na hindi na nakamit doon sa unang pagsaway. Kung may pagbabago nga ng puso, ang kapatid na ito ay pinatatawad at napanumbalik, at ang paksang ito ay tapos na.
Ikatlong Hakbang (Mateo 18:17a). Kung ang nagkakasalang kapatid ay tumangging makinig at tumugon sa pagsaway ng mga testigo pagkatapos ng ilang panahon, ang mga testigong iton ay tuloy nang isussumbong ito sa iglesya (t. 17a). Ito ay isinasagawa sa mas marapat na paraan ng pagpapaalam nito sa mga matatandang kalalakihan, na siyang mamamahala sa pagpapasabi ng bagay ito sa buong kalipunan.
Gaano ba katagal na tatawagin ng mga testigo sa pagsisisi ang taong nagkasala bago nila pasabihan ang iglesya? Ang mga matatandang kalalakihan ng iglesyang ito iniiwasang isakatuparan ang ikatlo o ikaapat na hakbang ng pagdidisiplina hanggang sa sila ay ganap na tiyak na ang nagkakasalang kapatid ay tunay ngang nagkasala, o nagpapatuloy sa kasalanan, at siya’y tumangging magsisi pagkatapos ng marapat na pagsaway. Ang mga matatandang kalalakihan ay makailang ulit na magpapadala ng sulat sa pamamagitan ng nakarehistrong koreo na binabalaan ang tao na ang ikatlo (o ikaapat) na hakbang ng pagdidisiplina ay isasagawa kung hindi sila makatanggap ng balita ng pagsisisi sa panahong itinakda. Kapag ang panahong ito ay lumipas, ang kasalanan ng taong ito at ang kanyang pagtanggi na magsisi ay ipapaalam na sa lahat, maaaring sa buong kalipunan sa panahon ng Pangungumonyon o sa isang pagtitipon ng samahan kung saan siya ay nakikilala.
Nakaugalian ng Iglesyang ito, pagkatapos maisakatuparan ang ikatlong hakbang, na maliwanag na ipahiwatig sa kalipunan na dapat nilang sikapin at pakiusapan na siya’y magsisi na bago pa maisagawa ang ikaapat na hakbang. Ang mahalaga at malakas na paraang ito ay karaniwan nang naaakit ang nagkasala sa pagsisisi at pagsunod. Kung may pagsisisi ngang naganap, ang nagkasalang kapatid ay pinatatawad at pinanunumbalik.
Ikaapat na Hakbang (Mateo 18:17b). Ang ikaapat at huling hakbang sa proseso ng pagdidisiplina sa iglesya ay pag-alis o pagtaboy. Kung ang isang nagkakasalang kapatid ay tumangging makinig kahit na sa buong kapatiran, siya ay dapat itaboy o ialis mula sa kalipunan. Sinabi ni Jesus, “ituring mo siya bilang isang Hentil at maniningil ng buwis” (t. 17b). Ang katagang “Hentil” ay karaniwang ginamit patungkol sa mga hindi Judio na nakakapit sa kanilang tradisyonal na paganismo at walang bahagi sa kasunduan, pagsamba, o buhay panlipunan ng mga Judio. Sa kabilang banda, ang isang “maniningil ng buwis” ay isang itinakwil ng mga Judio dahil na rin sa sariling pasiya, naging taksil sa sariling kababayan. Nang gamitin ni Jesus ang mga katagang ito ay di nangangahulugan na tratuhin ng masama ng iglesya ang mga taong ito. Simple lang naman ang kahulugan nito na kapag ang isang nagsasabing siya’y mananampalataya ay tumangging magsisi, dapat siyang ituring ng iglesya na para bang nasa labas na siya ng kalipunan. Hindi nila dapat siyang pahintulutan na makihalubilo at makibahagi sa mga pagpapala at pakinabang mula sa kalipunang Cristiano.
Nang may isang lalaki sa iglesya sa Corinto na tumangging talikuran ang kanyang mahalay na relasyon sa kanyang ikalawang ina, nagutos si apostol Pablo na alisin ang lalaking ito sa kanilang kalagitnaan (1 Cor. 5:13). Ni hindi nga nararapat na makisalo sa harap ng pagkain ang mga mananampalataya na kasama siya (1 Cor. 5:11), sapagkat ang pakikisalo sa pagkain ay larawan ng mapagpatuloy at maayang pakikisama. Ang isang taong patuloy na ayaw magsisi ay marapat na ganap na itaboy mula sa pakikisama ng iglesya at ituring tulad ng hiwalay sa samahan, at hindi isang kapatid.
Kung ang pag-uusapan ay ang kalalagayan ng iglesya, ang layunin ng pagtataboy sa isang kapatid ay upang maingatan ang kadalisayan ng pakikisama (1 Cor. 5:6), upang mabalaan ang kalipunan sa kabigatan ng kasalanan (1 Tim. 5:20), at magbigay patotoo ng katuwiran sa isang mundong nagmamasid. Kung ang pag-uusapan naman ay ang kalalagayan ng kapatid na tinaboy, ang layunin ng pagtataboy ay hindi upang magparusa kundi manggising,at kaya naman ito ay isinasagawa sa mapagpakumbabang pag-ibig ay hindi kailanman sa espiritu ng mapagmataas na pagmamatuwid (2 Tesa. 3:15).
Kapag nagawa na ng isang iglesya ang lahat ng kanilang magagawa upang mapanumbalik ang nagkasala sa dalisay na buhay subalit hindi nagtagumpay, ang taong iyon ay dapat iwanan sa kanyang pagkakasala at sa kanyang kahihiyan. Kung siya’y tunay na isang Cristiano, hindi siya itataboy ng Diyos, subalit maaaring pahintulutang pang lalo siyang malubog hanggang sa siya’y malagay sa desperasyon at tumalikod na sa kanyang kasalanan.
Ang utos na huwag makisama o kahit na magkaroon ng anumang pakikitungo sa kapatid na ayaw magsisi ay hindi nagbabawal ng lahat ng pakikitungo. Kapag may isang pagkakataon na siya ay mapagsabihan at masubukang tawagin siyang muli na magbalik-loob, dapat lamang na gamitin ang pagkakataon iyon. Sa katunayan, ang ganitong mga pagkakataon ay marapat na hanapin. Subalit ang pakikitungo ay dahil lamang sa pagsumamo na siya’y magsisi at mapanumbalik at wala nang iba pa.
Hinalaw mula kay John MacArthur, The MacArthur New Testament Commentary: Matthew 16–23 (Chicago: Moody Press, 1988); John MacArthur, The Master’s Plan for the Church (Chicago: MoodyPress, 1991); at Stuart Scott and George Crawford, “Restoring the Wandering Sheep,” (di pa nalalathalang papel). Para sa mas ganap na pagtalaky ng pagidiplina sa iglesya, basahin ang mga sulating ito.
|