Ang Soberanong Diyos sa Kaligtasan
Isang Matibay na Katayuan ng Disciples of Christ Community Church
[Sa Ingles]
Wala nang doktrina na kinasusuklaman ng kaisipang makalaman kaysa sa katotohanan na ang Diyos ay ganap na nakapangyayari (o soberano). Galit ang yabang ng tao sa kaisipan na isinasaayos ng Diyos ang lahat ng bagay, pinanghahawakan ang lahat ng bagay, at pinaghaharian ang lahat ng bagay. Ang isipang makalupa, na nagliliyab na kaaway ng Diyos, ay nasusuklam sa katuruang biblikal na walang lumilipas na pangyayari liban lamang na ito'y umayon sa Kanyang walang hanggang plano. Higit sa lahat, galit ang laman sa paniniwala na ang kaligtasan ay gawain lahat ng Diyos. Kung pipiliin ng Diyos ang sinumang maliligtas, at kung ang Kanyang pagpili ay tapos na bago pa man natatag ang sanlibutan , samakatuwid wala dapat tanggaping anumang papuri ang mga mananampalataya sa anumang bahagi ng kanilang kaligtasan.
Subalit iyan nga, matapos ang lahat, ang tiyak na itinuturo ng Kasulatan. Kahit ang pananampalataya ay kaloob ng Diyos para sa Kanyang mga hinirang. Sinabi ni Jesus, “Walang taong makakalapit sa Akin, malibang ipagkaloob sa kanya ng Ama” (Juan 6:65). “Walang nakakakilala sa Ama kundi ang Anak, at sinumang piliin ng Anak na pagpahayagan Niya” (Mateo 11:27). Kaya nga walang sinumang naligtas na may anumang maipagmamalaki (Efeso 2:8-9). “Ang pagliligtas ay mula sa Panginoon” (Jonas 2:9).
Ang doktrina ng paghihirang ng Diyos ay maliwanag na itinuturo sa Kasulatan. Halimbawa, sa mga sulatin sa Bagong Tipan lamang, ating matututunan na ang lahat ng mananampalataya ay "hinirang ng Diyos” (Tito 1:1). Tayo ay nakatalaga na ayon sa layunin Niya na gumagawa ng lahat ng mga bagay ayon sa Kanyang pasiya at kalooban” (Efeso 1:11). “Ayon sa pagkapili Niya sa atin sa Kanya bago itinatag ang sanlibutan... Tayo'y itinalaga sa pagkukupkop upang maging Kanyang mga anak sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, ayon sa kabutihan ng Kanyang kalooban.” (Efeso 1:4-5). Tayo “ay mga tinawag alinsunod sa Kanyang layunin. Sapagkat ang mga nakilala Niya noong una pa ay itinalaga naman Niya na maging katulad sa larawan ng Kanyang Anak... at yaong mga itinalaga Niya ay Kanya namang tinawag at ang mga tinawag Niya ay itinuring Niyang ganap; at ang mga itinuring na ganap ay niluwalhati din naman Niya” (Roma 8:28-30).
Nang isulat ni Pedro na tayo ay "pinili at itinalaga ng Diyos Ama” (1 Pedro 1:1-2), hindi niya ginagamit ang salitang "itinalaga" na mangahulugan na alam na ng Diyos kung sino ang mananalig bago pa man ito mangyari at pagkatapos ay Kanya na lamang sila pinili dahil sa nakitang pananampalataya. Sa halip, ibig sabihin ni Pedro na sinadyang italaga na ng Diyos noon pa man na kilalanin at ibigin at iligtas sila; at pinili sila na walang pakialam sa anumang mabuti o masamang kanilang gagawin. Itinuturo ng Kasulatan na ang soberanong pagpili ng Diyos ay ginawa “ayon sa kabutihan ng Kanyang kalooban” at “ayon sa layunin Niya na gumagawa ng lahat ng mga bagay ayon sa Kanyang pasiya at kalooban" —- iyan ay, hindi dahil sa anumang dahilan labas Kanyang sarili. Sigurado naman na hindi Niya pinili ang ilang makasalanan na maligtas dahil sa may kapuri-puring bagay sa kanila, o kaya'y dahil sa nakita Niya na pipiliin nila Siya. Pinili Niya sila dahil lamang ito'y ikinalulugod Niyang gawin. Ang Diyos ay “nagpapahayag ng wakas mula sa simula… na nagsasabi, ‘Ang layunin Ko ay maitatatag, at gagawin Ko ang lahat ng aking kaligayahan'” (Isaias 46:10). Hindi siya sakop sa pasiya ng iba. Ang Kanyang mga layunin para sa pagpili ng ilan at pagtanggi sa iba ay nakatago sa lihim na mga kapasiyahan ng Kanyang sariling kalooban.
Dagdag pa rito, ang lahat ng naririto sa sangkalawakan ay naririto dahil pinahintulutan ng Diyos, ipinag-utos Niya ito, at tinawag Niya ito na mangyari. “Ang aming Diyos ay nasa mga langit, Kanyang ginagawa ang anumang Kanyang kagustuhan” (Awit 115:3). “Ginagawa ang Panginoon anumang Kanyang kinalulugdan, sa langit at sa lupa, sa mga dagat, at sa lahat ng mga kalaliman” (Awit 135:6). Siya ay “gumagawa ng lahat ng mga bagay ayon sa Kanyang pasiya at kalooban” (Efeso 1:11). “Sapagkat mula sa Kanya, at sa pamamagitan Niya, at para sa Kanya ang lahat ng mga bagay” (Roma 11:36). “Sa ganang atin ay may isang Diyos, ang ama, na sa Kanya nagsimula ang lahat ng mga bagay, at tayo'y para sa Kanya, at may isang Panginoon, si Jesu-Cristo, na sa pamamagitan Niya ang lahat ng mga bagay. at tayo ay sa pamamagitan Niya” (1 Cor. 8:6).
Ano naman ang tungkol sa kasalanan? Ang Diyos ay hindi may-akda ng kasalanan, subalit sigurado naman na ito'y pinahintulutan Niya; ito ay mahalagang sangkap ng Kanyang walang hanggang plano. May layunin ang Diyos sa pagpahintulot Niya rito. Hindi Siya maaaring sisihin sa kasamaan o mamantsahan ng pagkakaroon nito (1 Samuel 2:2: “Walang banal na gaya ng Panginoon.”). Subalit sigurado naman na hindi Siya nabigla o walang magawa upang pigilan ito nang pumasok ang kasalanan sa sangkalawakan. Hindi natin alam ang Kanyang layunin kung bakit Niya pinahintulutan ang kasalanan. Maliwanag, sa pangkalahatang pang-unawa, pinahintulutan Niya ang kasalanan upang maipakita ang Kanyang kaluwalhatian —- mga katangiang di sana malalantad nang wala ang kasamaan -— habag, kabutihang-loob, awa, kapatawaran, at kaligtasan. At minsan kinakasangkapan ng Diyos ang kasamaan upang maisagawa ang mabuti (Genesis 45:7–8; 50:20; Roma 8:28). Paano ba ito nangyayari?
Hindi sinasagot ng Kasulatan ang lahat ng mga katanungan, ngunit itinuturo nito na ang Diyos ay ganap na soberano, ganap na banal, at ganap na makatarungan.
Aminin natin, ang mga katotohanang ito ay mahirap tanggapin ng isip ng tao, subalit walang pasubali ang Kasulatan. Hawak ng Diyos ang lahat ng mga bagay, pati na pagpili kung sino ang maliligtas. Ipinahayag ni Pablo ang doktrinang ito sa di maiiwasang pananalita sa ikasiyam na kabanata ng Roma, sa pagpapakita na pinili ng Diyos si Jacob at tinanggihan ang kakambal na kapatid na si Esau “bagaman ang mga anak ay hindi pa isinisilang, at hindi nakakagawa ng anumang mabuti o masama, upang ang layunin ng Diyos ay manatili alinsunod sa pagpili, na hindi sa pamamagitan ng mga gawa, kundi doon sa tumatawag.” (t. 11). Matapos ang ilan pang mga talata, idinagdag ni Pablo ito: “Sapagkat sinasabi Niya kay Moises, ‘Ako'y maaawa sa Aking kinaawaan, at Ako'y mahahabag sa Aking kinahahabagan.' Kaya ito ay hindi ayon sa kalooban o pagsisikap ng tao, kundi ayon sa habag ng Diyos” (tt. 15-16).
Inasahan ni Pablo ang argumento laban sa soberanong Diyos: “Kaya't sasabihin mo sa Akin, 'Bakit humahanap pa Siya ng kamalian? Sapagkat sino ang makakasalungat sa Kanyang kalooban?’” (t. 19). Sa madaling salita, hindi ba nababalewala ang pananagutan ng tao ng pagka-soeberano ng Diyos? Ngunit sa halip na maghandog ng isang pilosopong sagot o isang malalim na argumentong metapisikal, simpleng pinagsabihin ni Pablo ang nagdududa: “Ngunit, sino ka, O tao, na makikipagtalo sa Diyos? Sasabihin ba ng bagay na hinubog doon sa humuhubog sa kanya, 'Bakit mo ako ginawang ganito?" O wala bang karapatan ang magpapalayok sa luwad, upang gumawa mula sa iisang limpak ng isang sisidlan para sa marangal na gamit at ang isa'y para sa pangkaraniwang gamit?” (tt. 20-21).
Parehong sinasang-ayunan ng Kasulatan ang pagka-soberano ng Diyos at pananagutan ng tao. Kailangan nating tanggapin ang magkabilang panig ng katotohanan, bagaman di natin mauunawan kung paano sila nagkakatugma sa isa't-isa. May pananagutan ang tao sa kung ano ang kanilang gagawin sa mabuting balita —- o sa anumang liwanag na mayroon sila (Roma 2:19-20), upang ang kaparusahan ay makatarungan kung kanilang tatangihan ang liwanag. At yaong mga tumatanggi ay kusang-loob nilang pasiya. Umiyak si Jesus na sinabi, “Subalit ayaw ninyong lumapit sa Akin upang kayo'y magkaroon ng buhay” (Juan 5:40). Sinabihan din Niya ang mga di mananampalataya, “Malibang kayo'y sumampalataya na Ako Nga [Diyos], ay mamamatay kayo sa inyong mga kasalanan” (Juan 8:24). Sa Juan 6, magkasamang tinalakay ng ating Panginoon ang pagka-soberano ng Diyos at pananagutan ng tao nang sabihin Niya, Ang lahat ng ibinibigay sa Akin ng Ama ay kllalapit sa Akin, at ang lumalapit sa Akin ay kailanman ay hindi Ko itataboy” (t. 37); “Sapagkat ito ang kalooban ng Aking Ama, na ang bawat nakakakita sa Anak at sa Kanya'y sumampalataya ay magkaroon ng buhay na walang hanggan, at muli Ko siyang bubuhayin sa huling araw” (t. 40); “Walang taong makalalapit sa Akin malibang ilapit siya ng Ama na nagsugo sa Akin” (t. 44); "Katotohanang sinasabi Ko sa inyo, ang sinumang sumasampalataya ay may buhay na walang hanggan” (t. 47); at, “Dahil dito'y sinabi Ko sa inyo, walang taong makakalapit sa Akin, malibang ipagkaloob sa kanya ng Ama” (t. 65). Kung paanong ang magkasamanang katotohanang ito ay maaaring parehong totoo ay di kayang maunawaan ng isip ng tao —- tanging Diyos lamang.
Higit sa lahat, hindi dapat magkonklusyon ang sinuman na hindi makatarungan ang Diyos dahil pinipili Niyang magkaloob ng biyaya sa ilan ngunit hindi sa lahat. Hindi kailanman dapat sukatin ang Diyos sa pamamagitan ng kung ano ang patas ayon sa hatol ng tao. Ganoon ba kamangmang ang tao na mag-akalang siya, na isang makasalanan, ay may mas mataas na pamantayan sa kung ano ang tama kaysa sa walang kasalanan, walang katapusan, walang hanggang banal na Diyos? Anong uri ng kayabangan iyan? Sa Awit 50:21 sinabi ng Diyos, “Inisip mong Ako'y gaya mo.” Subalit ang Diyos ay di tulad ng tao, o maaaring mapanagot sa pamanatayan ng tao. “Ang Aking mga pag-iisip ay hindi ninyo pag-iisip, ni ang inyong mga pamamaraan ay Aking mga pamamaraan, sabi ng Panginoon. Sapagkat kung paanong ang langit ay higit na mataas kaysa lupa, gayon ang Aking mga pamamaraan ay higit na mataas kaysa inyong mga pamamaraan, at ang Aking pag-iisip kaysa inyong mga pag-iisip” (Isaias 55:8-9)
|