Ang Sapat na Kasulatan
Isang Matibay na Katayuan ng Disciples of Christ Community Church

[Sa English]

Mahalaga na ang isa sa mga biblikal na pangalan ni Cristo ay Kamangha-manghang Tagapayo (Isa. 9:6). Siya ang pinakamataas at kahuli-hulihan na ating malilingunan para sa payo, at ang Kanyang Salita ay siyang balon na mapagkukunan natin ng makadiyos na karunungan. Sa katunayan, isa sa pinakamaluwalhating larangan ng ganap na kasapatan ni Cristo ay ang kamangha-manghang payo at dakilang karunungan na Kanyang ibinibigay sa mga panahon na tayo ay walang pag-asa, may kaguluhan, pangamba, kabalisaan, at dalamhati. Siya ang pinakamimithing Tagapayo.

Hindi sa minamaliit ang kahalagahan ng mga Cristianong nagpapayo sa isa’t-isa. May matinding pangangailangan sa wasto at biblikal na gawain ng pagpapayo sa loob ng Iglesya, at ang pangangailangang ito ay tinugunan ng mga may espirituwal na kaloob na makapagpalakas-loob, matalastas ang tama sa mali, magbigay-aliw, payo, habag, at makatulong sa iba. Sa katunayan, isa sa mga pinakaproblema na siyang dahilan ng kasalukuyang salot ng mga masasamang payo ay dahil sa ang mga iglesya ay hindi pinagbubuti ang pagsasanay sa mga taong may ganitong mga kaloob upang makapaglingkod ng epektibo. Dagdag pa rito, ang mga kumplikasyon nitong ating makabagong panahon ay lalong nagpapahirap na makapagbigay ng panahon na makinig ng mabuti, maglingkod sa iba sa pamamagitan ng personal na pakikisangkot ng may kahabagan, at bukod pa rito ay maghandog ng malapitang pag-uugnayan na kailangan para sa katawan ng iglesya na dumanas ng kalusugan at kalakasan.

Napagtuunan ng mga iglesya ang sikolohiya para punuan ang kakulangan, subalit wala rin itong pakinabang. Di maaaring ipanghalili ang mga propesyonal na sikolohista sa mga taong may espirituwal na kaloob, at di mapapalitan ng payo na inihahandog ng sikolohiya sa biblikal na karunungan at kapangyarihan ng Diyos. Bukod pa rito, naikikiling ng sikolohiya ang tao na dumepende sa isang terapis, samantalang yaong mga nagsisigamit ng kanilang mag espirituwal na kaloob ay laging napapanumbalik ang tao sa sapat sa lahat na Tagapagligtas at ang Kanyang sapat sa lahat na Salita.


Isang Awit sa Kasapatan ng Kasulatan

Ang Awit 19:7–9 ay pinakamahalaga at kumpletong pangungusap na naisulat tungkol sa kasapatan ng Kasulatan. Isinulat ito ni David ayon sa inspirasyon ng Banal na Espiritu, ang tatlong talatang ito ay nagtuturo sa di nagbabagong patotoo mula sa Diyos tungkol sa kasapatan ng Kanyang Salita para sa bawat pagkakataon at tuloy maituwid ang pagtuturo ng mga naniniwala na kailangang dagdagan ang Salita ng Diyos ng mga “katotohanan” daw na halaw sa makabagong sikolohiya. Anim na mga pahayag ang sinambit ni David sa mga talatang ito, bawat isa’y idinidiin ang isang katangian ng Kasulatan at inilalarawan nito ang epekto sa buhay ng sinumang yayakap dito. Sa kabuuan, ang mga pahayag na ito ay nagpapakita ng isang magandang larawan ng kasapatan ng Salita ng Diyos.


Ang Kasulatan ay Sakdal, Nagpapanauli ng Kaluluwa

Sa unang pangungusap (t. 7), sinasabi ni David, “Ang kautusan ng Panginoon ay sakdal na nagpapanauli ng kaluluwa.” Ang salitang “sakdal” ay salin ng isang pangkaraniwang salitang Hebreo na ang kahulugan ay “buo,” “ganap,” o “sapat.” Inihahatid nito ang ideya ng pagiging kumpleto, na sumasakop sa lahat ng larangan ng isang paksain. Komprehensibo ang Kasulatan, naglalaman ito ng lahat ng kakailanganin sa espirituwal na buhay ng tao. Ang pahiwatig ni David dito ay tungkol sa ka-imperpektuhan, kawalang sapat, at paltos na pangangatuwiran ng tao.

Ang perpektong batas ng Diyos, ayon kay David, ay nakakaapekto sa mga tao sa pamamagitan ng “pagpapanauli ng kaluluwa” (t. 7). Sa madaling salita, ang Kasulatan ay napakalakas at ganap na kaya nitong baguhin ang kabuuan ng isang tao, binabago ang sinuman ayon sa eksaktong katauhan na ninanais ng Diyos. Sapat ang Salita ng Diyos na nakapagpapanauli ito sa pamamagitan ng kaligtasan kahit na sa isang wasak na buhay —- isang katunayan kung saan si David mismo ay naging mayaman sa patotoo.


Ang Kasulatan ay Mapagkakatiwalaan, Nagbibigay Talino

Lalo pang pinalawak ni David ang kasapatan ng kasulatan sa Awit19:7, na dagdag pang sinabi, “Ang patotoo ng Panginoon ay tiyak, na nagpapatalino sa kulang sa kaalaman.” Ang pagkakagamit ni David ng salitang “tiyak” ay nangangahulugan na ang patotoo ng Panginoon ay di pabago-bago, di natitinag, di nagkakamali, maasahan, at karapat-dapat na pagtiwalaan. Nagbibigay ito ng matibay na sandigan kung saan maaaring maitayo ng isang tao ang kanyang buhay at kapalaran sa magpakawalang-hanggan kalagayan.

Ang tiyak na Salita ng Diyos ay nakapagpapatalino sa kulang sa kaalaman (t. 7). Ang salitang Hebreo na isinaling “kulang sa kaalaman” ay mula sa isang kasabihan na nangangahulugan ng “isang bukas na pintuan.” Ipinapakita nito ang larawan ng isang taong di alam kung paano isasara ang isip sa huwad o maruming aral. Siya ay walang kakayahang manuri, kapos sa kaalaman, at mapaniwalain, ngunit pinapatalino siya ng Salita ng Diyos. Ang ganitong tao ay bihasa sa makadiyos na pamumuhay: nagpapasakop siya sa Kasulatan at nalalaman niya kung paano ito gagamitin sa mga nangyayari sa kanyang buhay. Dadalhin ng Salita ng Diyos ang isang kulang sa kaalaman na walang kakayahang magsuri at gagawin siyang bihasa nito sa mga paksain ng buhay.


Ang Kasulatan ay Matuwid, Nakapagpapagalak

Sa talatang 8, dinagdagan pa ni David ng ikatlong pangungusap tungkol sa kasapatan ng Kasulatan: "Ang mga tuntunin ng Panginoon ay matuwid, na nagpapagalak sa puso.” Sa halip na magpakita lamang ng kung ano ang tama laban sa pagiging mali, ang salitang “matuwid” ay nangangahulugan na madala ang isa tao sa tunay na landas. Ang mga katotohanan ng Kasulatan ay naglalatag ng marapat na landas sa pagtahak sa nakalilito at magulong buhay. Naghahatid ito ng isang kahanga-hangang pagtitiwala. Napakaraming tao ang nagdadalamhati o naghihirap dahil kapos sila sa direksyon at layunin sa buhay, at ang nakararami sa kanila ay naghahanap ng kasagutan sa mga maling kaparaanan. Ang Salita ng Diyos ay di lamang nagbibigay liwanag sa ating landas (Awit 119:105), kundi nagtatakda rin ito ng ating patutunguhan.

Sapagkat ginagabayan tayo nito tungo sa tamang landas ng buhay, ang Salita ng Diyos ay nagdudulot ng malaking kagalakan. Kung ang isang tao ay nalulungkot, balisa, takot, o nagdududa, ang solusyon ay hindi matatagpuan sa makasariling hangarin tulad ng pagpapahalaga sa sarili at pansariling kasiyahan. Ang solusyon ay matatagpuan sa pagkakatutong sundin ang payo ng Diyos at makinabang sa kagalakang bunga nito. Ang katotohang mula sa Diyos ay siyang bukal ng tunay at nagtatagal na kagalakan. Ang lahat ng iba pang kaparaanan ay mababaw at panandalian.


Ang Kasulatan ay Dalisay, Nagpapaliwanag ng mga Mata

Ang Awit 19:8 ay nagbigay ng ikaapat na katangian ng ganap na kasapatan ng Kasulatan: “Ang utos ng Panginoon ay dalisay, nagpapaliwanag ng mga mata.” Ang salitang “dalisay” ay mas mabuting isalin na “maliwanag” o “matino,” at sinasabi nito na ang Kasulatan ay hindi nakakalabo, nakakalito, o nakakagulo. Ang Salita ng Diyos ay naghahayag ng katotohanan upang ang mga bagay na madilim ay magliwanag, inilalapit ang kawalang hanggan sa maningning na katiyakan. Totoo, may mga bagay sa Kasulatan na mahirap maunawaan (2 Pedro 3:16), subalit sa kabuuan, ang Biblia ay hindi isang palaisipang aklat. Ito ay maliwanag at matino.

Dahil sa ganap nitong kaliwanagan, nagdudulot ng pang-unawa ang Kasulatan kung saan may kamangmangan, kaayusan kung saan may kalituhan, at liwanag kung saan may espirituwal at moral na kadiliman. Nakatindig ito ng tiyak na kabaligtaran sa malabong kuro-kuro ng mga taong hindi ligtas, mga bulag at walang kakayahang magsuri ng katotohanan o mamuhay ng matuwid. Ang Salita ng Diyos ay naghahayag ng pinagpala, kaasam-asam na mga katotohanang hindi nila kailanman makikita.


Ang Kasulatan ay Malinis, Nananatili Magpakailanman

Sa Awit 19:9 ginamit ni David ang salitang “pagkatakot” na kasinghulugan ng Salita ng Diyos: “Ang pagkatakot sa Panginoon ay malinis, na nananatili magpakailanman.” Ang “pagkatakot” na ito ay tumutukoy sa magalang na pangingimi para sa Diyos na umuudyok sa mga mananampalataya na Siya’y sambahin. Sa ganitong kalagayan, ang Kasulatan ay isang aklat mula sa langit tungkol sa kung paano sambahin ang Panginoon. Ang salitang Hebreo na “malinis” ay tumutukoy sa kawalan ng kahalayan, karumihan, kalapastanganan, o kasiraan. Ang Kasulatan ay walang kasalanan, kasamaan, kabulukan, o kamalian. Ang katotohanang inihahatid nito, samakatuwid, ay ganap na walang dumi at walang mantsa.

Dahil ito'y walang kapintasan, nananatili ang Kasulatan magpakailanman (Awit 19:9). Anumang pagbabago o pagtutuwid ay maaari lamang magpasimuno ng kaimperpektuhan. Ang Kasulatan ay magpakawalang hanggan at di mababagong kaperpektuhan. Hindi ito nangangailangan ng dagdag upang makasunod sa ating panahon, ni pag-aayos, o pagpipino, sapagkat ito ay kapahayagan ng Diyos para sa bawat salinlahi. Ang Biblia ay isinulat ng Diyos Espiritu na nakakaalam ng lahat ng bagay, na walang hanggan sa kahigitan kaysa sa sinumang maglalakas-loob na hatulan ang kapakinabangan ng Kasulatan para sa ating lipunan, at walang hanggan sa talino kaysa sa lahat ng pinakamahusay na pilosopo, manunuri, at sikolohista na para lamang mga batang lilipas sa panahon. Ang Kasulatan ay dati na at lagi nang sapat.


Ang Kasulatan ay Totoo, Lubos na Makatuwiran

Ibinibigay naman ng talatang 9 ang pangwakas na katangian at epekto ng sapat sa lahat na Salita ng Diyos: “Ang mga kahatulan ng Panginoon ay totoo at lubos na makatuwiran.” Ang salitang “kahatulan” sa kontekstong ito ay tumutukoy sa mga ordinansa o hatol ng langit mula sa upuan ng Kataas-taasang Hukom ng daigdig. Ang Biblia ay pamantayan ng Diyos para sa paghahatol ng buhay at patutunguhan sa walang hanggan ng bawat tao. Dahil ang Kasulatan ay totoo, ito ay “lubos na makatuwiran” (Awit 19:9). Ipinahihiwatig ng mga salitang iyan na ang pagiging makatotohanan nito ay nagdudulot ng isang malawakang katuwiran sa mga tumatanggap dito.

Laban sa mga itinuturo ng marami ngayon, wala nang pangangailangan pa sa karagdagang kapahayagan, mga pangitain, mga hula, o pananaw mula sa makabagong sikolohiya. Laban sa mga haka-haka ng tao, ang Salita ng Diyos ay totoo at ganap na komprehensibo. Sa halip na hanapin ang bagay na higit pa sa maluwalhating kapahayagan ng Diyos, kailangan lamang pag-aralan at sundin ng Cristiano yaong nasa kanila nang mga kamay. Sapat ang Kasulatan.

Hinalaw mula kay John MacArthur, Our Sufficiency in Christ (Wheaton: Crossway Books, 1998).

© 2006 Disciples of Christ Community Church. Isinalin sa Pilipino.

©2005 Disciples of Christ Community Church. All rights reserved.