Makabibliyang Pangunguna ng Matatandang Kalalakihan
Isang Naiibang Katayuan of Disciples of Christ Community Church

[Sa Ingles]

Ayon sa Biblia, ang pinakasentro ng lahat ng pangunguna sa iglesya ay ang matatandang kalalakihan (elders). Ang isang matanda ay isa sa mga kalalakihang may mga katangiang makadiyos na sama-samang namamastol at nangangasiwa sa isang lokal na kalipunan ng mga mananampalataya. Ang salitang isinalin na “matanda” ay ginamit ng halos dalawampung ulit sa Aklat ng mga Gawa at mga sulatin na may kinalaman sa natatanging kalalakihan na namumuno nang may pananagutan na pangasiwaan ang kawan ng Diyos.

Ang Katungkulan ng Mga Matatandang Lalaki

Tulad ng ipinakikita ng maraming mga talata sa bagong Tipan, ang mga katagang “matanda” (presbuteros), “tagapangasiwa” (episkopos), at “pastor” (poimen) ay tumutukoy sa iisang tungkulin. Sa madaling salita, ang mga obispo at mga pastor ay di naiiba sa mga matatandang kalalakihan; ang mga terminong ito ay iba’t-ibang paraan ng pagpapakilala sa iisang pangkat ng mga kalalakihan. Ang mga katangian para maging isang tagapangasiwa (episkopos) sa 1 Timoteo 3:1-7, at para sa isang matandang lalaki (presbuteros) sa Tito 1:6-9 ay di mapagkakamaliang magkahalintulad. Sa katunayan, sa Tito 1, ginamit ni Pablo ang dalawang salita upang tukuyin ang iisang tao (presbuteros sa t. 5 at episkopos sa t. 7). Ginamit ang tatlong salitang ito ng salit-salitan sa aklat ng mga Gawa Acts 20. Sa t. 17, tinipon ni Pablo ang mga matatandang lalaki (presbuteros) ng iglesya sa Efeso upang ibigay ang kanyang pamamaalam. Sa t. 28 sinabi niya, “Ingatan ninyo ang inyong sarili ang at buong kawan. Sa kanila’y inilagay kayo ng Espiritu Santo na mga tagapangasiwa [episkopos] upang pangalagaan [poimaino] ninyo ang iglesya ng Diyos.” Pinagsama rin sa 1 Pedro 5:1-2 ang tatlong terminong ito. Sabi ni Pedro, “Ngayon, bilang kapwa matanda [presbuteros] at isang saksi sa mga pagdurusa ni Cristo, at bilang kabahagi sa kaluwalhatiang ihahayag, ipinapakiusap ko sa mga matatanda sa inyo, na pangalagaan ninyo ang kawan ng Diyos na nasa inyong pangangasiwa, na maglingkod bilang mga tagapangasiwa, hindi sapilitan kundi bukal sa loob, ayon sa kalooban ng Diyos, ni hindi dahil sa mahalay na pakinabang, kundi may sigasig.” Ang iba’t-ibang termino pala, ay nagpapakita ng iba’t-ibang gawain ng paglilingkod, hindi magkakaibang baitang ng kapangyarihan o hiwalay na katungkulan, tulad ng isinusulong ng ilang iglesya.

Maraming Namumunong Matandang Kalalakihan

Palagiang kalakaran sa buong Bagong Tipan na ang bawat lokal na kawan ng mga mananampalataya ay pinangangalagaan ng isang pangkat ng mga matandang lalaki na tinawag ng Diyos. Sa madaling salita, ito lamang ang natatanging kalakaran para sa pamumuno ng iglesya na ibinigay sa Bagong Tipan. Hindi matatagpuan saan mang bahagi ng Kasulatan na pinamumunuan ng nakararaming pananaw o ng iisang pastor ang isang lokal na kalipunan.

Iniwanan ni Pablo si Tito sa Creta at binilinan na “magtalaga ng mga matatanda sa iglesya sa bawat bayan” (Tito 1:5). Sinabihan din ni Santiago ang kanyang mga mambabasa na “tawagin ang mga matatanda ng iglesya” upang ipanalangin ang mga may karamdaman (Santiago 5:14). Nang sina Pablo at Bernabe ay nasa Derbe, Listra, Iconium, at Antioquia, sila’y “nagtalaga ng mga matatandang kalalakihan para sa kanila sa bawat iglesya” (Mga Gawa 14:23). Sa unang sulat ni Pablo kay Timoteo, pinatungkulan ng apostol ang “mga matatandang lalaki na mahusay na namamahala” sa iglesya sa Efeso (1 Tim. 5:17; tingnan din ang Mga Gawa 20:17, kung saan kinausap ni Pablo “ang mga matatandang lalaki ng iglesya” sa Efeso). Ipinakikita sa Aklat ng Mga Gawa na may mga “matatanda” sa iglesya sa Jerusalem (Mga Gawa 11:30; 15:2, 4; 21:18).

Paulit-ulit na pinatutungkulan ang pagkakaroon ng maraming mga matatandang lalaki sa bawat isa sa iba’t-ibang mga iglesya. Sa katunayan, sa bawat bahagi ng Bagong Tipan kung saan ginagamit ang terminong presbuteros (elder), ito ay nasa kalagayan na pangmaramihan, liban na lamang nang gamitin ito ni Apostol Juan sa kanyang sarili sa 2 at 3 Juan at sa pagkakagamit din ni Pedro tungkol sa kanyang sarili sa 1 Pedro 5:1. Hindi matatagpuan sa Bagong Tipan na may pinatungkulang kalipunan na may isa lamang na pastor. Maaari pa nga na ang bawat isang matandang lalaki ay may isang pinangangasiwaang pangkat sa isang bayan. Subalit ang iglesya ay nakikita bilang isang iglesya, at ang mga pagpapasiya ay isinasagawa sa isang kolektibong pamamaraan at laging may kinalaman sa kabuuang iglesya, at hindi sa indibiduwal na mga bahagi.

Sa iba pang mga talata, pinatutungkulan ang isang maramihang pangkat ng matatandang lalaki kahit na ang salitang presbuteros ay hindi ginamit. Sa pambungad bati ni Pablo sa kanyang sulatin para sa mga taga-Filipos, tinukoy niya ang mga “tagapangasiwa” [pangmaramihan ng episkopos] at “mga diakono” at sa iglesya ng Filipos (Fil. 1:2). Sa Mga Gawa 20:28, nagbabala si Pablo sa mga matatandang lalaki sa iglesya ng Efeso na, “Ingatan ninyo ang inyong sarili at ang buong kawan. Sa kanila’y inilagay kayo ng Espiritu Santo na mga tagapangasiwa [pangmaramihan ng episkopos].” Tinawag ng manunulat ng Hebreo ang kanyang mga mambabasa na sumunod at magpasakop sa mga “namumuno” sa inyo, sapagkat sila’y matamang nagbabantay alang-alang sa inyong mga kaluluwa.” (Heb. 13:17). Pinayuhan ni Pablo ang kanyang mga mambabasa na taga-Tesalonica na “iyong igalang ang mga nagpapagal sa inyo, at namumuno sa inyo sa Panginoon at nagtuturo sa inyo” (1 Tesa. 5:12) — maliwanag na ang mga tinutukoy ay mga tagapangasiwa sa kalipunan ng Tesalonica.

Marami ang maaaring masabi tungkol sa mga pakinabang ng pamumuno na kinabibilangan ng maraming makadiyos na kalalakihan. Ang pinagsama nilang payo at karunungan ay tumutulong sa pagtiyak na ang mga kapasiyahan ay hindi makasarili o sa kapakinabangan ng isang tao (cf. Kawikaan 11:14). Kung may pagkakabahagi sa gitna ng mga matatandang lalaki sa pagpapasiya, sama-sama silang lahat na dapat ay mag-aral, manalangin, at hanapin ang kalooban ng Diyos hanggang makamtan nila ang kaisahan. Sa ganitong paraan, ang kaisahan at pagkakasundo na ninanais ng Panginoon para sa iglesya ay mapasimulan sa mga lalaking Kanyang hinirang na pamastulan ang Kanyang kawan.

Mga Kwalipikasyon ng mga Mga Matatandang Lalaki

Ang katangian at pagiging epektibo ng anumang iglesya ay direktang may kinalaman sa kalidad ng kapamunuan nito. Kaya nga idinidiin ng Kasulatan ang kahalagahan ng kwalipikadong kapamunuan at pinagtitibay ang mga tiyak na pamantayan para sukatin ang sinumang maglilingkod sa sagrado nitong katayuan.

Ang mga kwalipikasyon ng mga matatandang lalaki ay matatagpuan sa 1 Timoteo 3:2-7 at Tito 1:6-8. Ayon sa mga talatang ito, ang isang matanda ay kailangang walang kapintasan, asawa ng isang babae, mapagpigil, matino ang pag-iisip, kagalang-galang, mapagpatuloy ng panauhin, mahusay magturo, hindi mahilig sa alak, hindi mapusok, kundi mahinahon, hindi palaaway, at hindi maibigin sa salapi, hindi sakim sa pakinabang, pinamamahalaan niyang mabuti ang kanyang sariling sambahayan, sinusupil ang kanyang mga anak, hindi isang bagong hikayat, may mabuting patotoo mula sa mga nasa labas, mapagpigil sa sarili, nakakapangaral siya ng wastong aral at pabulaan ang mga sumasalungat nito, maibigin sa kabutihan, matuwid, at banal.

Ang nag-iisang, nangingibabaw na kwalipikasyon na sinusuportahan na lamang ng iba ay ang siya’y maging “walang kapintasan.” Dapat na maging isa siyang isang pinuno na hindi mapaparatangan ng anumang kasalanan dahil napanindigan niya ang isang patotoo ng walang anumang maibintang. Ang isang matanda ay dapat na walang kapintasan sa kanyang buhay may-asawa, sa kanyang buhay sa lipunan, sa kanyang hanapbuhay, at sa kanyang espirituwal na buhay. Sa ganitong paraan, siya ay dapat maging isang modelo ng makadiyos na pagkatao upang may katwiran siyang hamunin ang kalipunan na sundan ang kanyang halimbawa (Filipos 3:17).

Ang lahat ng iba pang kwalipikasyon, liban marahil sa pagtuturo at kasanayan sa pamamahala, ay nagpapatingkad lamang sa kalagayang iyon. Dagdag pa rito, ang tungkulin ng matanda ay limitado lamang sa mga kalalakihan. Sabi ng 1 Timoteo 2:11-12, “Hayaang ang babae’y matuto sa katahimikan na may buong pagpapasakop. Hindi ko ipinapahintulot na ang babae ay magturo, ni magkaroon ng pamumuno sa lalaki, kundi tumahimik.” Sa iglesya, ang mga kababaihan ay dapat na magpasakop sa kapangyarihan ng mga matatandang lalaki, hiwalay sa pagtuturo sa mga kalalakihan o humahawak ng mga katungkulan ng kapangyarihan na may pangingibabaw sa kanila.

Ang Gawain ng mga Matatandang Lalaki

Nang matapos na ang panahon ng mga apostol, ang tungkulin ng matatanda ang siya na ngayong itinuring na pinakamataas na baitang ng lokal na pang-iglesyang kapamunuan. Kaya naman, dala nito ang isang malaking halaga ng pananagutan. Wala nang mas mataas na hukuman ng apila at wala nang hihigit na kayamanan na makaalam ng isip at puso ng Diyos tungkol sa mga paksa sa loob ng iglesya.

Ang pangunahing pananagutan ng isang matanda ay ang maglingkod bilang isang tagapamahala at tagapangalaga ng iglesya (1 Tim. 3:5). Kasama rito ang maraming bilang ng mga katungkulan. Bilang mga espirituwal na tagapangasiwa ng kawan, ang mga matatanda ay siyang nagtatakda ng mga patakaran (Mga Gawa 15:22); mangasiwa ng iglesya (Mga Gawa 20:28); magtalaga ng iba (Tito 1:5); mamahala, magturo, at mangaral (1 Tim. 5:17; cf. 1 Thess. 5:12; 1 Tim. 3:2); mangaral at magpabulaanan (Tito 1:9); at kumilos bilang mga pastol, nagbibigay halimbawa sa lahat (1 Pedro 5:1-3). Ang mga pananagutang ito ang naglalagay sa mga matatandang lalaki sa gitna ng gawain ng iglesya ng Bagong Tipan.

Hinalaw mula kay John MacArthur, The Master’s Plan for the Church (Chicago: Moody Press, 1991).

©2010 Disciples of Christ Community Church. All rights reserved.